Skip to main content

Ang Barbero Ko Sa 9th Avenue


May kausap ako sa Abad Santos.  Sa Monumento na ako dumaan, doon sa buhul-buhol na trapiko ng mga dyip at kotse, sa tapat ng bagong ga-higanteng grocery ng SM.  Dati siyang mall ng Gotesco, nabenta na din sa kapwa intsek.  Diretso ako sa Avenida, hanggang masabit ako sa traffic sa 9th Avenue, may nasagasaan daw na kariton, pinupulot pa ang mga paninda.

Pinitik ko ang yosi ko mula sa bintana ng sasakyan ko, tumama sa poste sa tapat ng magdidiyaryo.  Naalala ko tuloy yung lumang barberya na nakatayo doon dati, pati ang barbero na gumugupit sa buhok ko nung bata pa ako.

Habang hindi umaandar ang sasakyan ko, umaandar naman ang isip ko, tumitingin ako sa paligid ng 9th Avenue. Mabilis ang pasok ng mga ala-ala sa aking utak, parang mga tuyong dahon  na hinipan ng hangin at nagliparan sa mga mata ko, papunta sa ulap.

1972.  Naalala ko, siguro mga anim na taon pa lang ako noon.  Ang suot ko sa tuwing nagpupunta sa barberya ay puting sando at asul na korto.  Nakatira pa kami noon sa Caloocan.  Doon kami sa 9th avenue nagpapagupit ng tatay ko.  Doon ay laging may nagdadama sa harap ng barberya o di kaya’y nagbibidahan ng walang katapusang kuwento.  Mausok ang paligid, panay ang daan ng mga traysikel na maiingay at mga dyip na humaharurot.  Langhap na langhap mo ang usok at alikabok na galing sa kanilang mga tambutso.   Bago ka pa magupitan, nanlilimahid na ang braso mo sa alikabok na naging putik na dahil sa pawis mo.

Panay din ang daldal ng barbero ko, tumatalsik ang malapot niyang laway sa batok ng taong ginugupitan niya.  Hinahagod ng mga kamay niyang amoy alcohol na sa kakahugas.  Hindi ko alam ang pangalan niya pero siya ang laging gumugupit sa akin.  Siya ang paborito ko.  Alam na alam niya na “day and night” ang gupit ko.  Ahit sa gilid at medyo makapal sa tuktok, para bang bagitong sundalong itinapon sa gyera.

Magaling siyang gumupit.  Maingat ang mga kamay niya.  Bumabalanse sa mukha ko ang bawa’t hagod ng gunting niya.  Ingat na ingat na masugatan ang mga maliliit kong tenga.  Pinapapikit niya ang aking mga mata sa tuwing ginugupit niya ang bangs sa noo ko.  Matapos niya akong gupitan ay minamasahe pa niya ako sa batok at leeg.

Yun daw ang binabayaran sa barbero.  Yung masahe matapos ang gupitan.  Pati yung mga walang kuwentang kuwento niya, mga jokes na hindi naman nakakatawa, at ang mga pambobola niya sa akin at sa tatay ko, yun ang binabayaran sa mga barberong kagaya niya.  Pero sa kagaya kong paslit, okay lang yun sa akin.  Masaya na ako pag nagupitan na niya ako.

Ilang taon din akong nagpagupit sa barberong yun, hanggang sa maging tinedyer ako.  Tinigilan ko na ang pagsama sa tatay ko.  Ayoko na kasing magpagupit sa barbero noong umapak na ako ng highschool.  Nauso na kasi ang magpagupit sa parlor, magpagupit sa mga bakla.

Ang nawala sa uso ay ang mga barberya.  Nawala na din ang barbero ko.  Kasabay niyang nawala ay ang mga taong nagdadama at naghuhuntahan sa harapan nito.  Ang natira na lang ay mga usok at alikabok, mga dumi ng kalsada sa lupit ng panahon.

2012.  Hindi ko na napigilan ang sarili ko.  Bumaba ako ng sasakyan ko at nilapitan ko yung nagtitinda ng diyaryo.  Nakibalita ako tungkol sa barbero sa kanto nito.  Hindi ko nagustuhan ang nalaman ko.

Pumanaw noong nakaraang linggo ang barbero ko.  Namatay siya sa edad na otsenta’y uno.




Comments