Nakaraos din ako sa MRT. Matapos kong masinghot ang sandamakmak na bacteria mula sa kauubo ng katabi kong salaula, matapos mabugbog ang paa kong nakatsinelas dahil sa kaaapak ng mga matsing na nakasuot ng pekeng Lacoste na sapatos, ay nasa pabulosong mundo na ako ng Ayala ngayon.
Kung bakit kasi ito pa ang napiling lugar ng ka-meeting ko. Meron din namang Starbucks sa Quezon City, hindi na sana ako nakipagsiksikan sa MRT. Sabi niya, mas professional daw kasi pag sa Ayala nagmi-meeting. Mas may ambiance, kumbaga. Pag tinatawagan kasi siya ng syota niyang bagets, masarap daw bigkasin ang mga katagang, "Meeting kami Ayala, eh, call you later, babe..." Matamis daw pakinggan na ang mga pangungusap niya ay may ending na Ayala lagi. May twang daw!
Nagkape kami.
Usap.Usap.
Uminom ng tubig. Nagpunas ng bibig, Umihi sa banyo. Nagpagpag.
Balik uli sa lamesa.
Usap.Usap.
Siguro mga isang oras din kami sa loob ng Starbucks. Hindi pa kami nagkasundo sa mga ideya namin, nagpaalam na siya.
"Pare, una na ako, ha, Bulacan pa ako, eh."
Buntung-hininga na lang ang naisagot ko.
"Gago ka! Taga-Bulacan ka, dito pa talaga sa Ayala mo gustong magkape!", sabi ko sa sarili ko.
Naghiwalay na kami.
"Gago ka! Tsk-tsk-tsk!", sabi ko uli sa sarili ko.
"Nasa MRT na naman ako, balik na naman sa bote..."
Habang inuuga ng MRT ang katawan kong pagod ay inuuga rin nito ang isipan ko. Sa walang katuturan na paglalakbay sa isang maikling kalye ng pagkukunwari't kasinungalingan, nabahiran ng panis na laway na hindi kayang hugasan ng alkohol. Sa mga nilalang na nakapiit sa tanikala ng sistema, at sa mga asukal na ayaw humalo sa kapeng maligamgam.
North Edsa na, sa bahay ko na lang itutuloy ang pagkape ko.
Wakas
Comments
Post a Comment