Skip to main content

Buwayang Metal


Sumakay ako ng MRT patungong Ayala kamakailan lang.  Pinarada ko muna sa Trinoma ang motorsiklo ko, at ipinagkasya ko ito sa kakarampot na limang piyeng espasyo kapalit ng trentaysingko pesos. Sa isip ko, pwede na kesa iparada ko sa labas, paglalaruan lang ng mga gagong walang magawa kundi kalkalin ang mga yagbols nila.

Kagyat na binagtas ko ang pasilyo sa loob ng mall, lagpas sa gwardyang maasim pa sa kamias ang ngiti, inilalabas ang madidilaw nilang ngipin -- nangu-uto ng kada kustomer na dumadaan.

Nang sapitin ko ang terminal ng MRT, hinarang agad ako ng isang gwardyang nanggigitata sa pawis at isinuksok ang hawak niyang manipis na kahoy sa loob ng bag ko, matapos ay pinaghihipo ang baywang ko at likod, mga daliring animo'y gagambang naghahanap ng langaw sa madilim na kisame.

Mahaba ang pila ng tao sa mga kahera, animo'y mga sawang nakapulupot sa baston ng pagtitipid. Pinaghaharimunan ang mga plastik na baraha na ihahain mamaya sa bibig ng mga buwayang metal.  Higit ang pagsubok nang languyin ko ang karagatan ng mga nagsisiksikang matsing, isa-isa'y naghahangad na mauna sa mala-kwebang entrada ng MRT.

Mura kasi ang bayad sa MRT, makakarating ka sa dulo ng EDSA sa halagang kinse pesos.  Para ka lang kumain ng Lucky Me na me kasamang Skyflakes, tapos ay padadaluyan mo ang lalamunan mo ng tubig na galing sa gripong kinakalawang.

Yun nga lang, pagtyagaan mo ang kahayupan ng mga taong sumasakay dun.  Ang mga manyak na idinidikit ang kanilang mga ari sa pwet ng mga bagong-ligong empleyada, pati na sa mga masansang na amoy ng mga salaulang ayaw magpahid ng tawas sa kanilang kilikili.  Idagdag mo pa ang mga taong mistulang mga kambing na nanunuwag, sisikuhin ka at sisipain para lang makapasok sa loob ng tren, nais maiupo ang mga pwet, na gaya nila ay naghahanap din ng ginhawa.

"Ayala Station" sabi ng lalake sa loud speaker ng MRT.
"Istasyon ko na, bababa na ako."

Hindi man ako araw-araw na sumasakay ng MRT ay halos sanay na rin ako sa mga ganitong gitgitan. Bakit hindi, Pilipino naman ako. Wala naman sigurong Pinoy na hindi pa nakakasakay ng MRT. Staple, ika nga sa Ingles.

Mamaya pagbalik ko Trinoma, sasakay na naman ako sa lintek na MRT na 'yan.


WAKAS

Comments