Skip to main content

About


Mahilig ako sa mga tugtugan, mapa-folk, rock o country pa yan. Noong hayskul pa lang ako ay tumutugtog na ako kasama ang grupo ko na kung tawagin noon ay "combo."

Wala pang Tala ni Sarah Geronimo. Ni Eraserheads, River Maya at Parokya ni Edgar. Wala pang gaanong effect box para sa gitaristang kagaya ko, overdrive pa lang. De-tubo ang mga amplifier na mas malaki pa kaysa sa akin. Pag uminit ang mga tubo, saka gaganda ng husto ang tunog ng gitara ko.

Dahil gabi ang tugtugan, lagi akong puyat. Madaling araw ang uwi ko lagi, maaga na ang alas dos pag umuuwi ako sa bahay. Hindi ako nagta-taxi, isandaan lang kasi ang bayad kada isa sa amin sa grupo ko. Me libreng isang pitsel ng San Miguel Draft Beer saka isang buong manok. Tinitira namin sa gitna ng dalawang set naming tugtugan.

"Combomangon, tanghali na!" Yan ang sinisigaw lagi ng nanay ko. Nauuga ang bahay namin sa Caloocan pag ginigising niya ako. Tama naman siya at baka mahuli ako sa klase.

Oo, nag-kolehiyo ako. Kahit lumalagare ako ng tugtugan noon, nakapagtapos din ako.

At oo, me trabaho ako ngayon. Tumutugtog pa rin ako pero mas madalas mag-isa na lang. Wala na kasi ang mga ka-combo ko noon. May nag-abroad, may subsub-ulo sa trabaho, at meron ding hindi ko na makita kahit i-search ko pa sa Facebook.

Hindi ako nagmamagaling na sumulat. Hindi ako sing-galing ng mga batikang awtor. Mahilig lang talaga akong magkalkal ng tiklado ng keyboard sa computer. Isinasayaw ko sa mga naiisip kong mga kuwento ng buhay ko, mga kuwento sa trabaho, mga kuwentong isinasalin sa akin ng mga kaibigan, at mga kuwentong nasisilip ko sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas -- mga kumbinasyon ng mga kuwentong tao -- mga combo.

Yan ang maikling kasaysayan ng blog na ito.